Pagsusuri sa Himagsik ni Balagtas
Himagsik laban sa Hidwaang Pananampalataya
ni Chynna Claire P. Castillano
Ang himagsik na ito ay nakapaluob sa
akdang ‘Florante at Laura’ na isinulat ni Francisco Balagtas. Ito ay tumutukoy
sa paghihiwalay ng estado sa simbahan at pagtanggi ng kalakhang Muslim sa Jolo
at Mindanao sa relihiyon ng mga Kastila na Katolika o ang pagtanggi ng
kalakhang Jolo at Mindanao sa Katolisismo.
Ang himagsik na ito ay tungkol din
sa hidwaan ng dalawang malalaking relihiyon sa bansa, ang Kristiyanismo at
Islam, na siya namang hindi sinang-ayunan ni Balagtas. Sa panahon na isinulat
niya ang akda, ang simbahan at pamahalaan noon ay magkapisan at iisa sa
kapangyarihan at turing ngunit dalawa ang pangalan. At sa parehong panahong
‘yon, itinuturing ng mga Kastila na kasuklam-suklam na mga nilikhang-diyos ang
mga Moro at naging kasingkahulugan pa ng mga salitang taksil at sukab. Ang mga paniniwalang
iyon ng mga Kastila ay hindi pinaniwalaan at hindi sinang-ayunan ni Balagtas
bagkus ay sinalungat niya ang mga ito at pinabulaanan ang mga paniniwala at mga
paratang na hindi kumikilala ng Diyos ang Moro, walang kaluluwa, walang mga
magagandang-asal na nalalaman at laging taksil at sukab pagdating sa mga
pakikisama at pakikipagkaibigan. Isinalaysay at ipinatunayan ni Balagtas na
hindi lamang mga Moro ang may mga kakayahang gumawa ng mga ‘di-mabuting gawain
kung hindi pati na rin ang mga Kastila gamit ang kanyang akdang isinulat. At
ito ay ang ‘Florante at Laura’. Sa akdang ito, kabanata 12, saknong 147 hanggang
saknong 149, nakasaad sa kabanatang ito na tinulungan ni Aladin si Florante
mula sa mga mababangis nga leon at tinulungang makawala mula sa pagkatali sa
punong higera kahit na magkaiba sila ng relihiyon.
Sagot ng
gerero’y “huwag kang manganib
Sumapayapa ka’t
mag-aliw ng dibdib,
ngayo’y ligtas
ka na sa lahat ng sakit,
may kalong sa
iyo ang nagtatangkilik. (Saknong 147, Kabanata 12)
Kung nasusuklam
ka sa aking kandungan,
lason sa puso mo
ang hindi binyagan,
nakukutya akong
‘di ka saklolohan,
sa iyong nasapit
na napakarawal. (Saknong 148, Kabanata 12)
Ipinahahayag ng
pananamit mo,
taga-Albanya ka
at ako’y Pers’yano,
ikaw ay kaaway
ng baya’t sekta ko,
sa lagay mo
ngayo’y magkatoto tayo. (Saknong 149, Kabanata 12)
Hidwaan
at kataksilan ang naghahari at namumuno sa sariling bayan ni Balagtas noong
panahong ‘yon kung kaya’t may maraming mga himagsik at pag-aalsa na mababasa at
mababakas sa akda na kaniyang isinulat na ‘Florante at Laura’.
Isang
legal na konsepto ang pagkakahiwalay ng institusyon ng estado at ng simbahan.
Ito’y isang legal ding konsepto ng politika. Pinapanatiling magkahiwalay ang dalawa
sa bawat bahagi at aspekto ng kanilang paraan ng pagtugon sa mga usapin at
problema nang walang pakikialam at kontrobersiya sa bawat isa hanggang ngayon. Ang
konseptong ito ay tinanggap din sa ilang bansa. Ang separasyong ito ay makikita
sa Artikulo 2 ng “Deklarasyon ng mga Prinsipyo at mga Patakarang pang-estado”
ng 1987 ng Saligang Batas ng Pilipinas, seksiyon VI. Nakasaad sa seksiyong ito
na hindi dapat labagin ang pagkakahiwalay ng simbahan at estado. Ngunit sa
kabila ng mga ito, ang mga senador at politiko ay malaya pa ring pumili ng
kanilang relihiyon na walang kinalaman at kaugnayan sa posisyon at estado nila
sa pamahalaan at sekta ng gobyernong kanilang kinabibilangan.
Maikokompara
ang nangyari noon sa pangyayari sa Marawi na nagsimula noong ika-23 ng Mayo
hanggang sa ika-23 ng Oktubre, 2017. Ang pangyayaring ito ay nagtagal ng limang
buwan at sa loob ng limang buwang iyon idineklara ang Batas Militar sa buong
Mindanao hanggang sa ika-31 ng Disyembre, 2017 na siya namang ipinatagal
hanggang ika-31 ng Disyembre, 2018.
Maraming madugong bakbakan ang naganap sa loob ng limang buwan na iyon
at marami rin ang namatay na ang karamihan ay mga sibilyan na nadamay lang sa
bakbakan. Dito rin sa pangyayaring ito may naganap na pagputol ng mga ulo.
Karamihan sa mga taong napugutan ng ulo ng mga Maute ay yaong mga taong ang
relihiyon ay Kristiyanismo at hindi Islam. Sa kabila ng nangyaring krisis sa Marawi,
mas lalong tumatag ang mga samahan ng mga Muslim at Kristiyano sa Mindanao.
Ang
estado at simbahan dito sa bansang Pilipinas ay magkahiwalay at ito’y nakasaad
sa Saligang Batas ng Pilipinas, Artikulo 2, Seksiyon VI. Noon may hidwaan
pagdating sa dalawang maimpluwensiyang relihiyon dito sa bansa, ang
Kritiyanismo at ang Islam. At sa kabila ng mga ‘di-pagkakaunawaan at hidwaan
noon sa pagitan ng dalawa ay nagawa nating lahat i-ayos ang relasyon nila na
ngayo’y mas lalong tumatatag sa kabila ng mga pangyayari sa bansa. At ang
pagpili ng relihiyon ay walang kaugnayan sa patag ng politika at gobyerno.
Ito’y malayang gawin ng mga mamamayan kasama na ang mga nasa politika at
pamahalaan.
Sanggunian:
- Govph. Ang
Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, 1987. (n.d.) kinuha ika-6 ng Mayo, 2018, mula sa http://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/ang-konstitusyon-ng-republika-ng-pilipinas-1987/
- Letran, R. Samahang
Muslim at Kristiyano sa Mindanao, lalong tumatag. Agosto 11, 2017, kinuha
ika-6 ng Mayo, 2018, mula sa https://www.veritas846.ph/samahang-muslim-kristiyano-sa-mindanao-lalong-tumatag/
- Ocampo, N. Ang Pang-apat na Himagsik. Enero 21, 2014, kinuha ika-6 ng Mayo, 2018, mula sa https://prezi.com/ahpsydwb7jg-/ang-pang-apat-na-himagsik/
- Ocampo, N. Ang Pang-apat na Himagsik. Enero 21, 2014, kinuha ika-6 ng Mayo, 2018, mula sa https://prezi.com/ahpsydwb7jg-/ang-pang-apat-na-himagsik/
- Olay, Y. Pagbuo ng Bibliografi(APA Format). Pebrero 13, 2013,
kinuha ika-6 ng Mayo, 2018, mula sa https://prezi.com/mmfyqjrqnsao/pagbuo-ng-bibliografiapa-format/
- Salamat, S. Kaliligiran ng Florante at Laura. Enero 22, 2014, kinuha ika-6 ng Mayo,
2018, mula sa http://istoryangfilipino.blogspot.com/
- Xiaochua. Francisco Balagtas. Abril 2, 2013, kinuha ika-6 ng
Mayo, 2018, mula sa https://xiaochua.net/2013/04/03/xiao-time-2-april-2013-francisco-balagtas/
Maraming matutunan. Magaling!
ReplyDeleteMagaling!
ReplyDelete